High alert sa burol ni FPJ Inilagay kahapon ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa high alert status ang kapulisan para mangasiwa sa seguridad sa Metro Manila matapos pumanaw ang Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr.
Nagpakalat ng may 10,000 unipormadong pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Central Police District (CPD) sa Sto. Domingo Church sa Quezon City kung saan ay ibuburol si Da King matapos itong masawi bandang alas-12:01 kahapon ng madaling araw sa Intensive Care Unit ng St. Luke's Medical Center makaraan ang 72-oras na comatose nito.
Sinabi ni PNP chief Edgar Aglipay, bukod sa pagmamantina ng seguridad at daloy ng trapiko ay magtatalaga din ang pulisya ng crowd control dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga supporters at fans ni Da King na magmumula sa iba’t ibang lalawigan. Sakaling kulangin ang puwersa ng NCRPO ay kukuha sila ng augmentation force mula sa Region 3 at Region 4 upang maging katulong sa pagmamantina ng seguridad.
Binantayan din ng pulisya ang burol ni FPJ sa Arlington funeral homes sa Pasig City kahapon bago ito dinala sa Sto. Domingo church.
Nagbabala pa si Aglipay na aarestuhin nila ang sinumang grupo na manggugulo sa burol ni FPJ.
Nangangamba din si Sen. Miriam Defensor-Santiago na baka gamitin ng ilang grupo ang pagkamatay ni FPJ upang makapaglunsad ng destabilisasyon dahil nakamatayan ng KNP presidential bet ang protesta nito sa Presidential Electoral Tribunal na hindi nakakamit ang hustisya.
Nakipagluksa din si Pangulong Arroyo sa pagyao ni FPJ kung saan ay inilarawan niya ang naging mahigpit na katunggali sa nakaraang eleksyon bilang isang mabuting tao, isang dakilang Pilipino at isang karapat-dapat na katunggaling pulitikal.
Ipinaabot ni Pangulong Arroyo sa maybahay ni Da King na si Ms. Susan Roces ang kanyang pakikiramay.
Ayon kay Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, hindi na dadalo sa burol si GMA subalit magpapadala na lamang ito ng kanyang kinatawan.
Inaprubahan naman ng Senado ang senate resolution 146 na iniakda ni Sen. Jinggoy Estrada na nagpapahiwatig ng pakikidalamhati at pakikiramay sa pagyao ng KNP presidential bet na si FPJ.
Lahat ng 22 senador mula sa oposisyon at administrasyon ay naging co-authors ng nasabing panukala ni Sen. Estrada.
Sinabi naman ni Sen. Ralph Recto, ang tanging magagawa ngayon ng gobyerno bilang tribute kay FPJ ay ideklara itong ‘national artist’ dahil sa naging kontribusyon nito sa Pelikulang Pilipino.
Nagpasalamat naman si Susan Roces sa lahat ng nagdasal at nakidalamhati habang nakikipaglaban ang kanyang mister kay kamatayan.
"Mabigat man sa aming kalooban na ipaabot sa inyo na ang aming mahal, inyong kaibigan at lider na si FPJ ay sumakabilang-buhay na. Sa ngalan ng aming pamilya, nais naming ipaabot ang aming lubos na pasasalamat sa maraming kababayan natin na nagbigay ng tulong at taimtim na panalangin," wika pa ni Ms. Roces sa kanyang statement matapos ideklarang patay na si Da King dakong alas-12:01 kahapon ng madaling-araw.
Humabol naman sa St. Luke's hospital ang anak nina FPJ at Susan na si Mary Grace galing US habang nagpunta din duon ang anak ni Da King kay Ana Marin na si Ronian.
Dumagsa ang mga artista at pulitiko sa St. Luke's Medical Center ng mabatid ang pagpanaw ni Da King habang ang aktor namang si Vandolph Quizon ay gumawa ng eksena ng magwala ito.
(Pilipino STAR Ngayon 12/15/2004) |